Publiko winarningan vs FB malicious tagging

NAGBABALA sa publiko ang ilang Facebook users na huwag i-click ang kumakalat na post kung saan naka-tag sila sa comments section ng isang post mula sa hindi nila kilalang account o “malicious tagging”.


Napag-alaman na kapag binuksan ang notification ay mapupunta sila sa isang community page na may link sa isang sex video.


Sa oras na binuksan ang link ay kusang mada-download ang malware sa gadget.


Ang malware ay tawag sa malicious software variants tulad ng virus, ransomware at spyware.


“Yung post/link ay bastos, and it is a clickbait–meaning, once in-open mo ‘yung link na may nag-tag o nag-mention sa iyo, ikaw rin ay magta-tag o magme-mention ng mga FB friends mo sa bastos na post/link na iyon without your knowledge,” ayon sa post ng isang netizen.


“So, if ever po na may mag-tag sa inyo na bastos using my name or mai-mention ko kayo sa isang bastos na link, please let it be known to you na hindi ko po kagagawan iyon,” sabi nito.


Sinabi naman sa ulat na ang nasabing malware ay naunang kumalat noong 2015.


Maaaring makontrol ng malware na ito ang Facebook account ng user at kusa itong magpo-post ng private messages at post sa kanyang FB friends, kasama sa FB groups at mga users na naka-engage niya.


Pwede ring makuha ng malware ang mga sensitive information ng user gaya ng bank account at mga password.