Public viewing sa labi ni Noynoy simula na
DINALA ngayong araw ang abo ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa Church of the Gesu sa Ateneo de Manila University (ADMU) para sa public viewing.
Mula alas-10 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, “the public will be allowed to walk in front of the urn to pay respects and say a prayer for PNoy for a few seconds,” ayon sa kalatas ng ADMU.
Magsasagawa naman ng prayer vigil alas-4 ng hapon at misa alas-5.
“Meanwhile, family and close friends will be allowed to stay in a sectioned-off seating area, which can accommodate up to a maximum of 140 people at any given time,” dagdag ng unibersidad.
“Ateneo and the Aquino family ask that visitors cooperate with the campus personnel, to ensure that the public viewing is safe, secure, and respectful,” ayon pa sa kalatas.
Ipatutupad din ang health at safety protocols base sa regulasyon ng pamahalaan.
Kukunan ng temperatura ang mga bisita, na kailangang magsuot ng face mask at face shield.
Walang batang papapasukin sa campus maliban sa mga kapamilya ni Aquino.
Nagtapos ng kanyang elementary, high school, at college education sa university ang dating pangulo.
Samantala, sinabi ni Kris Aquino, bunsong kapatid ni Noynoy na ihahatid sa huling hantungan ang kanyang kuya sa Manila Memorial Cemetery bukas.
“He could have been lying in state in Malacañang pero nirerespeto namin na hindi lahat ng tao sa PIlipinas ang nababakunahan so what we have decided as a family right now, we know that there are people waiting outside,” ani Kris.