MAGPAPATUPAD ng bawas-presyo ang mga kumpanya ng langis kung saan aabot ng P2.20 hanggang P2.50 kada litro ang ibababa sa presyo ng diesel.
May pagbaba rin sa presyo ng kerosene na aabot mula P2.30 hanggang P2.60 kada litro.
Samantala, posibleng walang paggalaw o may bahagyang pagtaaas ng 30 sentimo kada litro sa presyo ng gasolina.
Kasabay nito inihayag ni LPG Marketers Association (LPGMA) president Arnel Ty na magpapatupad ng P1 bawas presyo sa kada kilo sa liquefied petroleum gas (LPG) simula mamayang hatinggabi.
Nangangahulugan ito ng P11 pagbaba sa 11-kilogram na tangke ng LPG.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Ty na ito’y dahil na rin sa pagbaba ng presyo ng LPG sa world market.
Aniya, umabot sa $58 kada tonelada ang ibinaba ng LPG.
Sinabi pa ni Ty na inaasahan na masusundan pa ito ng panibagong pagbaba sa Marso.