INIULAT mismo ni Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez na umabot na sa P520 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa harap ng sinasabing kakulangan sa suplay nito.
Sa Laging Handa briefing, iginiit naman ni Estoperez na walang balak mag-import ang DA para mapababa ang presyo sa pagsasabing sasabayan lamang ito ng mga smuggled na sibuyas na nagkalat sa bansa.
“Kanina noong pumunta tayo sa mga palengke, ang presyo ng sibuyas na maliit is P480, napakaliit ng sibuyas na yun. Yung pong medyo mas malaki nasa P520. Nang tanunngin ko nga ang isang retailer, kung mabenta pa rin kahit ganun ang presyo, meron pa rin naman daw bumibili,” sabi ni Estoperez.
Idinagdag ni Estoperez na base sa kanyang pag-iikot, nagsisimula nang umani sa Tarlac bagamat nasa P300 kada kilo ang farmgate price.
“Tiningnan natin sa Tarlac, meron na ho ang harvest nila, yun nga lang kung ang tanong natin, meron ba tayong sapat na suplay, meron tayong suplay, hindi sobra-sobra, pero doon sa farmgate price nila, noong tiningnan namin is P300 already. Kung ahente ang bumibili at dalhin sa Metro Manila talagang may patong pa yan,” aniya.
Tiniyak naman ni Estoperez na magsisimula na ang anihan ng sibuyas simula Enero.