HABANG nagpapatuloy ang imbestigasyon sa pagpatay sa brodkaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa ay patuloy rin ang pagtanggap ng death threats ng kanyang pamilya.
Ayon kay Roy Mabasa, kapatid ni Lapid, maging mga anak ng biktima ay nakatatanggap ng pagbabanta.
“Katakot-takot na pong death threat ang inaabot ko. Kaya nga po hindi ako nakapunta sa DOJ para sa kaalaman niyo lang dahil may banta po sa aking buhay,” ani Mabasa.
“Masyadong brazen ‘yung mga messages na pinapadala sa akin sa cellphone, sa messenger, may video chat pa. Alam n’yo kung ganoon ‘yung natatanggap n’yo under the circumstances, iisipin n’yo pa ba lumabas?” dagdag niya.
Ganito rin ang inihayag ni Sen. Risa Hontiveros makaraang bumisita sa pamilya ng napatay na mamamahayag.
“Percy’s children are being sent threats on Facebook or their personal cellphone numbers. One of them received a text message saying they’re next,” ani Hontiveros.
Kaugnay nito, inatasan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga tauhan na protektahan ang pamilya ni Lapid.
“We’re careful with getting protection from just anywhere. We’re also looking for people who we can trust,” ayon sa opisyal.
Inaalam na rin ng pulisya kung sino ang nasa likod ng mga pananakot.