Pamangkin ni Duterte inagawan ng cellphone; 2 suspek nasakote

HIMAS-REHAS ang dalawang lalaki, na nang-agaw umano ng cellphone ng pamangkin ni Pangulong Duterte noong isang linggo, makaraang masakote sa Tondo, Maynila nitong Lunes.


Humingi naman ng tawad ang mga suspek na sina Lauro Manlapig at Angelo Maniquez nang malaman na kamag-anak ng Pangulo ang kanilang nabiktima.


“Humihingi po kami ng tawad sa tao na ‘yun. Kailangan lang po sa pamilya,” ani Manlapig.


“Pasensya na po talaga sir. Kasi nasa dilim lang siya tapos dumadaan lang,” dagdag naman ni Maniquez.


Hindi naman pinangalan ng pulisya ang biktima na may middle name na Roa, na nagtungo sa presinto para kilalanin ang mga nambiktima sa kanya.


Kinumpirma ni National Capital Region Police Office chief Brig. Gen Vicente Danao Jr. na pamangkin ni Duterte ang biktima


“Pamangkin nga po niya (Duterte) ‘yan. He just came home from work yata and then going home. Nu’ng nakuha ‘yung cellphone, tumakbo. Inireklamo na niya, at ipinakausap niya na kung puwedeng marekober ‘yung cellphone na yun dahil ginagamit nga sa trabaho,” ani Danao.


Napag-alaman na naglalakad ang biktima alas-11 ng gabi Huwebes sa Legarda st. nang hintuan ng tricycle.


Bumaba ang isa sa mga suspek at hinablot ang iPhone ng biktima bago muling sumakay ng tricycle.


Tinangka pang habulin ng biktima ang tricycle pero nakasibad ito patungo sa direksyon ng Recto Ave.


Ayon sa pulisya, nadakip ang dalawa matapos masangkot sa riot sa Tondo. Nakuha sa kanila ang dalawang cellphone, kabilang ang cellphone ng biktima, at dalawang sumpak.