PAGCOR execs nagbitiw na bago pa utos ng Malacañang

INANUNSYO ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro H. Tengco na siya at ang buong board ng ahensya ay naghain na ng kanilang courtesy resignation noong nakaraang linggo o bago pa man inilabas ng Malacañang ang panawagan sa mga opisyal ng government-owned and controlled corporations (GOCCs) na magbitiw sa puwesto.

Ayon kay Tengco, layunin ng hakbang na bigyang kalayaan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa muling pagsasaayos ng liderato ng PAGCOR.

“We serve at the pleasure of the President,” ayon sa pahayag ni Tengco. “And we will accept whatever the Chief Executive’s decision will be.”

Kasama ni Tengco na naghain ng resignation sina PAGCOR President at COO Wilma Eisma at mga miyembro ng board na sina Jose Maria Ortega, Francis Democrito Concordia, at Gilbert Cesar Remulla.

Inanunsyo ng Palasyo nitong Miyerkules na inaasahan nitong maghahain ng courtesy resignation ang lahat ng opisyal ng GOCCs bilang bahagi ng planong reporma sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.