Ipinag-utos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang agarang pagbaklas ng lahat ng billboard at iba pang out-of-home gambling advertisement bilang bahagi ng kampanya para higpitan ang mga anunsyo at promosyon na may kinalaman sa sugal.
Sa isang memorandum na inilabas noong Hulyo 7, inatasan ng ahensya ang lahat ng licensees, suppliers, system administrators, at gaming venue operators na tanggalin ang mga advertising materials, kabilang na ang mga naka-display sa mga tren, bus, jeep, at taxi.
Nilinaw ng PAGCOR na tanging mga institutional o responsible gaming campaigns na aprubado ng ahensya ang papayagan mula ngayon.
“We have given all our licensees and stakeholders until August 15 to completely remove all gambling-related ads,” ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco.
“Prior to that, stakeholders must also submit an inventory of their existing billboard and wallscape advertisements by July 16,” dagdag niya.
Ang inventory, ayon kay G. Tengco, ay dapat maglaman ng sukat, uri ng materyales, lokasyon, petsa ng expiration ng kontrata sa renta, at ang kaukulang permit number mula sa Ad Standards Council (ASC).
Paliwanag pa ng PAGCOR chief, bahagi ito ng layunin ng ahensya na maisulong ang mas ligtas at mas responsableng gaming environment sa bansa.
“While PAGCOR is mandated to regulate the gaming industry and generate revenues for nation-building, we do not want to encourage a culture of gambling addiction,” aniya.
“Regulating excessive and pervasive gambling advertisements is a critical step in protecting vulnerable sectors of society, especially the youth,” dagdag ni G. Tengco.
Binalaan din ng PAGCOR na mananagot sa batas ang mga operator na maglalagay ng panibagong gambling promotion kapalit ng mga tinanggal na ads.