INIHAYAG ni Agriculture Spokesperson Kristine Evangelista na magpapatupad muli ang DA ng suggested retail price (SRP) na P250 kada kilo matapos sumirit sa P720 kada kilo ang presyo ng sibuyas sa mga palengke.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Evangelista na batay sa pakikipagpulong ng stakeholders nitong Miyerkules, nangako ang mga producer ng sibuyas na tutulong para mapababa ang farmgate price ng sibuyas para maipatupad ang P250 SRP.
Ipatutupad ang SRP sa sibuyas simula bukas, Disyembre 30, at tatagal ito hanggang sa unang linggo ng Enero 2023.
“Sa atin pong pakikipag usap sa ating producer, sila po ay tutulong sa atin para makapagbigay ng murang sibuyas,” sabi ni Evangelista.
“Yung sa pag-uusap with stakeholders kahapon, ang ating recommendation would be until first week of January pagkatapos mag-usap ulit kasi alam natin na may ini-expect na harvest middle of January. Sabi ng stakeholders, hanggang first week ng January P250, after that usap tayo ulit baka pwedeng bumaba pa yan,” dagdag pa ni Evangelista.