P650M shabu nasamsam sa Mandaluyong, Pampanga

TATLO katao ang inaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Mandaluyong City at Pampanga dahilan para makumpiska ang mahigit sa P650 milyon halaga ng hinihinalang shabu.

Unang ikinasa ang operasyon ng mga miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isang condominium unit ng Tower 3 Light Residences sa Mandaluyong City alas-6 ng gabi ng Martes. Dahil dito naaresto ang isang Mike Abac at Edison de Guzman at nasamsam sa kanila ang may 77.5 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P534.75 milyon.

Alas-9:46 ng umaga ngayong Miyerkules, ikinasa naman ang operasyon sa Mexico, Pampanga kung saan nasamsam ang 17 kilo ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng P115.6 milyon.

Nakumpiska ang nasabing ilegal na droga mula sa isang Muslimin Salim na residente ng Taguig City.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA ang mga naaresto.