INIHIRIT ng mga magtitinapay ang P4 na pagtaas ng presyo ng tinapay na “Pinoy Tasty” at “Pinoy Pandesal,” ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) nitong Biyernes.
Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na sinusuri pa ng kanilang tanggapan ang isang nakabinbing kahilingan na taasan ang presyo ng Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal ng P4.
Sa kasalukuyan, ang suggested retail price para sa Pinoy Tasty ay P38.50 kada 450 gramo pack, habang ang Pinoy Pandesal ay P23.50 kada 10 piece-pack. Parehong gawa ito ng Marby Food Ventures.
“Mayroon kaming request ng makers ng bread. Ito lang naman yung Pinoy Tasty and Pinoy Pandesal, this is the only brand of bread na nandoon sa bulletin natin,” ani Castelo.
“May request sila na P4 increase pero hindi pa tayo tapos mag-review so we’re still looking into it,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag ni Castelo na ang hiling sa iminungkahing retail price ay dapat na maaksyunan muna bago maglabas ng bagong bulletin.