INAPRUBAHAN ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang P1 dagdag pasahe sa Metro Manila, at dalawa pang rehiyon.
Magiging P10 na ang minimum na pasahe sa National Capital Region (NCR), Region 3 (Central Luzon) at Region IV (Calabarzon).
Ito’y sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ngayong Martes, umabot sa P6.55 kada litro ang itinaas sa presyo ng diesel na ginagamit ng mga jeepney driver.
Nauna nang nagbanta ng tigil pasada ang mga driver at operator dahil sa kabiguan ng pamahalaan na aksyunan ang kanilang hinaing.
Nagpahiwatig din ang ilang opisyal na patuloy na mararanasan sa mga susunod na linggo ang pagtaas pa ng presyo ng produktong petrolyo.