HINDI katanggap-tanggap na walang pakinabang ang online service ng Land Transportation Office (LTO) lalo na sa panahon ngayon na patuloy na naman ang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease.
Dahil dito, hiling ni Senador Grace Poe na tiyakin ng ahensiya na magiging kapaki-pakinabang at madaling magagamit ang online portal ng LTO para sa aplikasyon at renewal ng driver’s license.
“Sa panahong pilit nating iniiwasan ang face-to-face transactions dahil sa COVID-19, umaasa ang ating mga kababayan sa online transactions bilang mas ligtas, mabilis at maaasahang paraan,” pahayag ni Poe.
“Ang kawalan ng silbi ng online service ng LTO ay talaga namang hindi katanggap-tanggap,” dagdag niya.
Ayon kay Poe, nakatanggap ang kanyang opisina ng mga reklamo mula sa ilang mga tsuper na nais mag-renew ng kanilang lisensya na malaking problema ang dulot ng Land Transportation Management System (LTMS).
Ang LTMS ang nagsisilbing online platform para sa lahat ng motoring regulatory services ng LTO. Pinagsisilbihan din nito ang mga baguhang aplikanteng nais mag-aplay ng lisensya sa pagmamaneho at magpaparehistro ng behikulo sa unang pagkakataon.
“Dapat maging ehemplo ng pagiging maaasahan ang mga government portals. Hindi dapat ito lupaypay kapag kailangan na ng tao ang serbisyo nito,” ayon kay Poe.
Si Poe ang nanguna sa pagpasa ng Republic Act 10930 na nagpapalawig sa driver’s license ng 10 taon kung ang may hawak nito na nais mag-renew ay walang bayolasyon sa batas-trapiko. Ang mga motorista naman na may paglabag ay makakakuha ng lisensya na epektibo lamang ng limang taon.