SINAMPAHAN ng mga kasong murder at frustrated murder ng pulisya ang doktor na namaril sa Ateneo de Manila University sa Quezon City noong Linggo na nagresulta sa pagkamatay ng tatlo katao at pagkasugat ng dalawang iba pa.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, inasunto si Chao-Tiao Yumol, ng tatlong counts ng murder at dalawang counts ng frustrated murder sa Quezon City Prosecutors Office nitong Lunes ng gabi.
Maliban dito, kinasuhan din si Yumol ng paglabag sa RA 10883 (New Anti-Carnapping Act of 2016) at malicious mischief.
“This case is considered solved already because the suspect has been apprehended and appropriate criminal cases have been filed before the Prosecutor’s Office,” ani Fajardo.
Napatay sa pamamaril sina dating Lamitan City, Basilan Mayor Rosita Furigay, kanyang executive assistant na si Victor George Capistrano, at ang campus security guard na si Jeneven Bandiala, na tinangkang pigilan si Yumol.
Matatandaan na sinabi ni Brig. Gen. Remus Medina, hepe ng Quezon City Police District, na mayroong “personal grudge” si Yumol kay Furigay dahil sinampahan ito ng 76 cyber libel cases ng dating opisyal.
Dahil sa mga kaso ay hindi nakapag-practice ng kanyang propesyon ang suspek.