IMINUNGKAHI ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Romando Artes ang mas maagang pasok sa mga tanggapan ng pamahalaan, mula alas-7 ng umaga hanggang alas-4 ng hapon sa harap ng trapik na nararanasan sa bansa.
“Ang proposal po namin, ay papasukin at buksan ‘yung opisina ng gobyerno ng 7 a.m. at ito po ay magsasara ng 4 p.m. para naman po makauwi nang mas maaga ‘yung ating mga empleyado at hindi na po sila mapasabay sa rush hour,” sabi ni Artes.
Idinagdag ni Artes na nakikipag-ugnayan na ang MMDA kay Civil Service Commission (CSC) Chairperson Karlo Nograles.
Inendorso rin ni Artes ang four-day workweek para sa pribadong tanggapan.
“Dalawa po ‘yung suggestions na scheme. Ang una po ay 10 working hours, four working days a week, ang pag-uusapan lang po dito ay kung magbabayad ng overtime in excess of eight hours because of the Labor Code; or four days po na eight hours a day at one day po na work-from-home,” aniya pa.