SINABI ni Marikina Mayor Marcy Teodoro ngayong Miyerkules na nakitaan ng 30-metrong bitak ang Marikina Bridge, dahilan para isara ang isang bahagi nito.
“Nakitaan natin ng 30-meter na crack itong Marikina Bridge, ito yung main bridge. Ito yung pinanggagalingan ng lahat ng sasakyan mula sa San Mateo, Montalban, Antipolo. Kapag bumabaha narito yung ating water level. Kaya nakababahala nang makita natin noong nakaraang Biyernes na may bitak dito sa gilid ng tulay partikular sa bangketa nito,” sabi ni Teodoro sa isang panayam sa radyo.
Idinagdag ni Teodoro na nakipag-ugnayan na siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para suriin kung ligtas pang daanan ang tulay.
“Yung mga shoulder joint, nakitaan din natin ng pagbitak kaya tinawagan natin ang agarang pagkilos ng DPWH. Nagpadala sila ng independent consuiltant na magsasagawa ng geo technical investigation para tingnan yung structural integrity ng tulay. Yun nga lang kahapon, pina-followup ko sa DPWH yung final recommendation, final results, wala pa raw. Kailangan natin ito kung ligtas na madadaanan ang tulay,” dagdag ni Teodoro.
Ayon pa kay Teodoro, isang bahagi ng tulay ang isinara muna, kayat nagdudulot ng napakabigat na trapik.
“Apektado maging ang mga kalakal na dinadala,” ayon pa kay Teodoro.