PINANGUNAHAN ni Pangulong Bongbong Marcos ang tradisyunal na Christmas tree lighting ceremony sa Palasyo ng Malacanang Sabado ng gabi.
Kasama ni Marcos ang kanyang pamilya at inang si dating First Lady Imelda Marcos sa pagpapailaw ng buong compoung ng Palasyo. Dumalo rin sa seremonya si Vice President Sara Duterte.
“So I’m very happy to have been able to do this Tree Lighting and it really is a different feeling dahil matagal na rin nating inantay ‘to kahit ‘yung nakaraang Pasko ay hindi pa tayo — medyo pigil pa,” sabi ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na iba talaga ang pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas.
“So tatlong taon na tayo hindi nakapag-Pasko na Pasko na kagaya ng Pasko ng Pilipino, dahil iba talaga ang pagdiriwang ng Pasko pag nasa Pilipinas ka. Wala ka nang makikita na kahit saan sa buong mundo na mas masaya na tao kapag Pasko at lalong lalo na para sa mga bata,” aniya.
Aniya, opisyal nang sinimulan ang pagdiriwang ng Pasko sa bansa ngayong nabuksan na ang Christmas tree sa Palasyo.
“And so with the lighting of the tree, it is official. The official Christmas season has begun. Although for Filipinos, again, it began September pa,” dagdag pa ni Marcos.