UMABOT sa mahigit 350 Kadiwa centers ang binuksan ng pamahalaan, ayon mismo kay Pangulong Bongbong Marcos matapos bisitahin ang Kadiwa ng Pasko sa Valenzuela City ngayong Sabado.
Idinagdag ni Marcos na plano na ng pamahalaan na ituloy ang Kadiwa ng Pasko kahit tapos na ang kapaskuhan para makatulong sa mga mamimili na apektado ng mataas na presyo ng bilihin.
“Ang Kadiwa sa Pasko ay ang aming munting pagtulong para naman maging mas masaya ang ating Pasko itong taon na ito,” sabi ni Marcos sa kanyang talumpati matapos ikutin ang mga puwesto sa Kadiwa ng Pasko sa Malanday Covered Court.
Nauna nang inilunsad ni Marcos ang inisyal na 17 Kadiwa ng Pasko kabilang ang 14 sa Metro Manila.
“Kaya’t mabuti ito, itong Kadiwa, hindi lamang nabibigyan ng pagkakataon ang taong-bayan na makabili ng mga kailangan na bilihin sa mas mababang presyo, ngunit nabibigyan din natin ng pagkakataon ang mga local producer ng mga maliliit na produkto na mayroon silang merkado, mayroon silang palengke,” aniya.