Manager binuntal, dedbol

NASAWI ang company manager nang suntukin ng kapitbahay na kinumpronta niya sa panggagasgas at pagnanakaw umano ng plaka ng kanyang sasakyan sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.

Naitakbo pa sa pagamutan ang biktimang si Muhhamad Ali Macapundag, 39, ng Sta. Catalina st., subalit hindi na naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay.

Nadakip ang suspek na si Joey Bulusan, 30, ng Joseph st., makaraan ang insidente 

Sa report ng pulisya, tinanggal ni Bulusan ang plaka bago ginasgasan ang sasakyan ni Macapundag alas-11 ng gabi.

Kinompronta ni Macapundag ang suspek pero imbes na ibigay ang plaka ay isang suntok ang pinakalawan nito.

Natumba ang biktima at humampas ang ulo nito sa kongkreto kaya nawalan ng malay.