NANAWAGAN si Vice President Sara Duterte sa mga bagong kasal na magplano nang pamilya matapos pangunahan ang mass wedding sa Taguig bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso.
Sinabi ni Duterte na nananatili sa kahirapan ang mga mahihirap na pamilya dahil sa hindi makontrol na pagbubuntis.
“Ang nangyayari, napakarami ng kanilang anak kaya hindi na nila kayang pakainin nang maayos, at hindi na nila kayang pag-aralin. Kaya nagbabalik-balik ang kahirapan sa kanilang pamilya,” sabi ni Duterte sa isinagawang 62nd Pa-Wedding ni Tambunting sa SM Bicutan Activity Center Duterte.
Aniya, ito rin ang kanyang paalala nang siya ay mayor ng Davao City.
“Doon po sa Davao City, umiikot po kami sa mga barangay. Paalala lagi sa mga magulang na kailangan pagplanuhan natin ang ating pag-aanak dahil mahihirapan ang pamilya at kawawa ang mga anak ninyo kung hindi ninyo sila mapalaki nag maayos — hindi ninyo mabibigay ang gusto nila, at hindi ninyo sila mapagtapos ng pag aaral,” aniya.