ISINIWALAT ngayong araw ni Ana Patricia Non, ang nagsimula ng community pantry movement sa bansa, na nakakatanggap siya ng mga death at rape threats.
Sa Facebook, sinabi ni Non na may iba pang nangha-harass sa kanya at ginagamit ang kanyang cellphone number para umorder sa mga food delivery services.
“Truth is umiyak ako kahapon sa pagod, overwhelmed ako. Kasabay nito iniisip ko yung death threat at rape threats sa akin kaninang umaga. Iniisip ko din paano ba finally kontakin si food panda kasi gabi gabi may umoorder pa rin under my number,” ani Non.
“Di ako makalabas kahapon kasi wala naman akong sasakyan lalo na wala naman akong security. Hindi ko alam kung worth it ba lumabas para sa photo ops pero kapalit ‘yung safety ko,” dagdag niya.
“Reminder lang din na simpleng mamamayan lang po ako. Minsan jologs minsan jejemon. Di politician. At lalong di artista. Focus na lang po tayo sa mga pumipila sa pantry sila naman po ang mahalaga dito,” pakiusap niya sa mga grupo at indibidwal na nagagalit sa kanyang inisyatibo.