INARESTO ng pulisya ang mag-asawa na umano’y nambugbog sa kanilang walong taong gulang na anak hanggang sa mamatay ito sa Pasig City noong Biyernes.
Nahaharap sa kasong parricide na may kaugnayan din sa paglabag sa anti-child abuse law ang mag-asawang sina Germarc Franklin Villadolid, 39, at si Kimberly, 29, pawang mga call center agents, dahil sa pagkamatay ng 8-anyosn na bata.
Sinabi ni Pasig police chief Col. Roman Arugay na paulit-ulit umanong binugbog ng mag-asawa ang kanilang anak sa kanilang unit sa Urban Deca Homes sa Barangay Rosario dakong alas-2:55 ng hapon.
Isinugod ng mag-asawa ang bata sa Mission Hospital para magamot ngunit ang bata ay binawian ng buhay alas-3:51 ng hapon.
Sinabi ni Arugay na kinulong nila ang mag-asawa matapos sabihin sa kanila ng manggagamot na may hematoma ang bata sa kanyang mga binti at braso.
Sa interogasyon, inamin ng mga suspek na pina-squat nila ang kanilang anak para madisiplina ito. Nang hindi sumunod ang bata, paulit-ulit nilang hinampas ng tsinelas hanggang sa bumagsak at nawalan ng malay.
Sinabi ni Arugay na sasailalim sa autopsy examination ang bangkay ng bata upang matukoy ang sanhi ng kamatayan.
Nakakulong ang mga suspek sa detention cell ng city police station.