TINIYAK ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na mamadaliin nila ang pagbabayad sa mga bus operators na sakop ng Edsa Carousel.
Ito ang sinabi nitong Lunes ni LTFRB Chair Cheloy Garafil matapos ang pakikipagpulong niya kay Transportation Secretary Jaime Bautista ang dalawang bus consortiums na nag-ooperate sa Edsa Bus Carousel.
“Sa amin naman sa LTFRB, patuloy namin na pabibilisan ang pagbabayad sa ating mga operators sa Edsa Carousel program,” ayon kay Garafil.
Paliwanag pa ni Garafil, nang maupo siya sa LTFRB, ay hindi pa nababayaran ang mga bus operators para sa ika-anim na linggo ng operasyon gayung nasa ika-13 linggo na ito ng programa.
“Agaran kong pina-fast track ang pagbabayad kung kaya ngayon, makaraan ng dalawang linggo, kami ay nagbabayad na hanggang week 10. Nangako kami na lalo pa naming paiigtingin ang pagpoproseso ng kanilang bayad upang maging updated ang bayarin sa pagtatapos ng buwan ng Hulyo,” dagdag ng opisyal.
Ang libreng sakay sa Edsa Bus Carousel ay unang inilatag ng Duterte administration na sana ay magtatapos sa huling araw ng Hulyo. Gayunman, nagdesisyon si Pangulong Bongbong Marcos na ituloy ang programa hanggang sa Disyembre na gagastos ng P1.4 bilyon.