Lolo patay sa pila ng pantry ni Angel Locsin; aktres nagsori

NASAWI ang isang senior citizen na isa daan-daang pumila sa community pantry na inorganisa ng aktres na si Angel Locsin para sa kanyang kaarawan ngayong araw sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City.


Dead on arrival sa East Avenue Medical Center si Rolando dela Cruz, 67, residente ng nasabing barangay. Inaalam pa ng nga otoridad ang ikinamatay ng matanda.


Bago ito ay tatlong iba ang naiulat na nahilo habang nakapila at naghihintay sa pagbubukas ng community pantry.


Agad namang humingi ng tawad si Locsin sa pangyayari.


Sa video na pinost sa Facebook, sinabi ng aktres na nagsimula nang maayos ang pila pero dahil nagkaroon ng singitan ay naging imposible ang social distancing.


“Maayos naman po kami, may mga stubs naman po na ipinamigay. Then parang ‘yung mga walang stubs sumingit sa pila. Naiintindihan ko naman po kasi kanina pa sila sa pila pero ayon ‘yung naging dahilan kaya nagsiksikan,” aniya.


“May mga markers pa po na nakalagay para ma-observe ang social distancing at maka-follow ng protocols, nagpatulong naman kami sa munisipyo. May pumunta sa police and military pero hindi lang makontrol ang mga tao. Nagkataon na siguro gutom na po ang tao na kahit wala po sa pila ay sumingit na po sila,” dagdag niya.


Nagsori rin si Locsin sa mga hindi nabigyan ng libreng pagkain at sa mga naabala sa pagbubukas nila ng community pantry.


“So sa mga naabala po, pasensya na po at hindi po ito ang intensyon natin at kahit anong paghahanda na ma-avoid itong gulo, hindi lang talaga siya makontrol kahit andito na po ang barangay, pulis, hindi lang po ma-kontrol,” paliwanag niya.


Dagdag ng aktres, pag-iisapan niya nang matagal kung ipagpapatuloy pa niya ang nasabing inisyatibo.
“I don’t think na papayagan ako na gawin ito. Gusto ko po sanang mag-celebrate ng birthday ko na nakakatulong sa tao, hindi ko po intensiyon na makagulo,” sabi pa ni Locsin.


Samantala, inanunsyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na sasagutin ng pamahalaang lungsod ang pagpapalibing kay dela Cruz. Magbibigay din siya ng tulong-pinansyal sa pamilya ng nasawi.