HINIMOK ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga lokal na pamahalaan na magtalaga ng common area para sa firework display para sa gagawing pagsalubong sa Bagong Taon para maiwasan ang mga masusugatan.
“Ang gawin na lang natin ay I will enjoin the LGUs, instead of allowing our people to have their own firecrackers, gumawa na lang kayo ng magandang fireworks display para sa inyong mga constituent,” sabi ni Marcos matapos pangunahan ang pamamahagi ng tulong sa Maynila.
Nagbabala rin si Marcos sa panganib na dulot ng pagpapaputok.
“Huwag muna tayong magpaputok at alam naman natin kung minsan delikado ‘yan. Lalo ngayon at maglalabas sila ng mga paputok na hindi natin alam kung saan galing, kung maayos ang pagkagawa,” dagdag ni Marcos.
Nauna nang iniulat ng Department of Health (DOH) ang pagbaba ng mga kaso ng mga nabibiktima ng mga paputok sa mga nakalipas na mga taon.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire na nakapagtala ng 122 kaso noong 2020 at 128 noong isang taon.