BUMABA na ang lebel ng Marikina River sa 17.6 meters ngayong umaga matapos itong tumaas sa 18.4 meters alas-2 ng madaling araw.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcy Teodoro na sa second alarm na lamang ang ilog mula sa third alarm sa kasagsagan ng bagyong Karding.
Sa isang panayam sa radyo, idinagdag ni Teodoro na ganap na alas-12:30 kaninang madaling araw nang ipatupad ang ikatlong alarma sa Marikina River. Umabot ito sa pinakamataas na 18.4 meters.
Ayon pa kay Teodoro, umabot sa 5,000 pamilya o 21,000 indibidwal ang inilikas na naninirahan malapit sa ilog at nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation center.
“Alas-6 ng umaga, nasa 4,561 pamilya mula sa 5,000 ang nananatili sa mga evacuation center,” sabi ni Teodoro.
Aniya, mas marami ang nagsagawa ng preventive evacuation at nakitira sa kanilang mga kamag-anak.
“Naalala nila ang pagbaha sa dulot ng bagyong Ondoy, minabuti ng marami na maging ligtas na habang mababa pa ang tubig,” dagdag ni Teodoro.