SINOPLA ng Palasyo ang kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na dapat hintayin na lamang ng mga mayor ang magiging desisyon mg Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil dito.
“Ang aking pakiusap po sa mga local government units natin, sa ating mga mayor – lahat po ng mayor ay under po the control and supervision of the President in the executive branch of government. At ang desisyon naman po ng IATF ay desisyon din ng ating Presidente,” sabi ni Roque.
Nauna nang naglabas si Moreno ng executive order kung saan epektibo ngayong araw na hindi na kailangan ang pagsusuot ng face shield kung hindi rin naman magtutungo sa mga ospital.
“So ang desisyon po ngayon ay kinakailangan ipatupad muna ang face shields habang pinag-aaralan naman po. Hindi naman po natin sinasabi na hindi tatanggalin ‘yan pero ‘antayin naman po natin ang desisyon ng IATF,” ayon pa kay Roque.