IPINAGTANGGOL ng ina ng driver ng SUV na sumagasa sa security guard kamakailan sa Mandaluyong City, kasabay ang paninindigan na responsableng tao ang kanyang anak.
Bukod dito, nangangamba rin ang ina ni Jose Antonio Sanvicente na masira na ang kinabukasan ng anak dahil sa nag-viral na video kung saan binundol nito ang security guard na si Christian Floralde habang nagmamando ng trapiko at saka sinagasaan.
“Syempre, hindi ho kami makatulog, hindi kami makakain, syempre anak namin ‘yong involved, saka nag-viral na eh ‘di ba. Masisira na ‘yong buhay ng anak ko, for any parent ba gano’n ang gusto niyo sa anak niyo?” ayon sa ina ni Sanvicente sa isinagawang press conference sa Camp Crame nitong Miyerkules.
“Mabait ‘yong anak ko, ano, nagta-trabaho siya, he’s a very responsible man. And I think ito, aksidente naman talaga ‘to, lumaki lang nang lumaki. And I feel so sad kasi ano na mangyayari sa future ng anak ko ‘di ba?” giit pa niya.
Lumipas ang mahigit isang linggo bago sumuko sa mga awtoridad si Sanvicente.
Iginiit pa ng ina ng suspek na matino ang kanyang anak at nataranta na lamang ito matapos ang insidente kung kayat hindi natulungan si Floralde.
“Maayos ang anak ko, sino bang may gusto na takbuhan ‘yon, syempre na-rattle na rin siya eh,” paliwanag niya.