PINALITAN na ng mga bagong street signs ang Roosevelt avenue sa Quezon City upang ipaalam sa publiko na Fernando Poe Jr. Ave. na ang pangalan nito.
Sa Instagram, ibinahagi ni Sen. Grace Poe ang mga larawan ng bagong street sign sa naturang kalye.
“Ito na ang FPJ Avenue sa QC! Maraming salamat sa pagkilala sa lugar na kinalakihan ni Da King. Lagi kang nasa alaala ng mamamayang Pilipino,” aniya.
Matatandaan na nitong Enero ay nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11608 o “An Act Renaming Roosevelt Avenue Located In Legislative District I Of Quezon City As Fernando Poe Jr. Avenue.”
Pumanaw si FPJ, ang tinaguriang Hari ng Pelikulang Pilipino, noong Disyembre 14, 2004 dahil sa thrombosis with multiple organ failure matapos ma-stroke at ma-coma.
Nangyari ang pagpanaw anim na buwan matapos ang 2004 presidential elections kung saan tinalo siya ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Marami ang naniniwala na dinaya si Da King sa nasabing halalan.