INIHAYAG ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na mag-aangkat na ang gobyerno ng 22,000 metric tons ng sibuyas sa harap ng kabiguan na mapababa ang farmgate price ng sibuyas.
Sinabi ni Agriculture Deputy Spokesperson Rex Estoperez na sa ilalim ng planong pag-aangkat, 25 porsiyento nito ay ilalaan sa Visayas at Mindanao at 50 porsiyento ay sa Luzon.
“Kailangan paparatingin natin ito first week of February or end of January, para ma-pull down ang presyo. Ang gagawin namin diyan, 25 percent sa Mindanao dadalhin, 25 percent sa Visayas, 50 percent dito sa Luzon, out of 50 percent sa Luzon, magbibigay tayo 10 percent ng white para sa mga nangangailangan ng white onions,” sabi ni Estoperez.
Aniya, umaabot pa rin hanggang P420 kada kilo ang farmgate price sa Nueva Ecija at Tarlac.
“Wala na tayong magagawa sa ganung presyo ng farmgate at sa palengke malabo nang bumaba,” dagdag ni Estoperez.