SISING-SISI ang isang ginang na mula sa Pasig City na ibinenta ang kanyang walong-buwang-gulang na anak sa halagang P45,000 para ipambayad sa utang.
Ayon sa ginang, gusto na niyang bawiin ang kanyang anak dahil nagbago na siya ng isip.
Aniya, nagawa lamang niya iyon dahil nabaon siya sa utang sa paglalaro ng online sabong.
Ikinuwento ng ina na nag-post siya sa Facebook group na Bahay Ampunan noong March 1 na may ipaampon siyang bata.
Marami umano ang nag-alok na bibili pero hanggang P20,000 lang ang turing sa baby. Nang may mag-offer ng P45,000 ay sinunggaban agad niya ito.
Sinabi ng ginang na una niyang inalok ang anak sa presyong P50,000 pero tumawad ang buyer sa P40,000. Nagkasundo sila sa presyong P45,000.
Ayon sa ina, nagkita sila ng buyer sa Quezon City nitong March 3 at doon nagpirmahan ng “kontrata” bago nagkabayaran.
Pag-uwi niya ng bahay ay kinompronta siya ng asawa dahil hindi na nito kasama ang bunso nilang anak. May dala na rin itong pera at bagong cellphone.
Noong una ay nagsinungaling pa ang ginang, pero kinalaunan ay isiniwalat nito ang ginawa saka humagulgol.
Nataranta ang mister at umiiyak na ikinuwento sa mga kamag-anak ang nangyari.
Nag-message naman ang ginang sa buyer pero blinock na siya nito sa Facebook.
Hanggang isinusulat ang balitang ito ay wala pa ring balita sa kanilang anak.
“Huwag n’yo pong gagawin ang ginawa ko. Gusto ko na pong makita ang anak ko,” sabi ng ginang.
Samantala, napag-alaman ng PUBLIKO na sumangguni na rin ang mag-asawa sa National Bureau of Investigation para maibalik sa kanila ang anak.