KINASTIGO ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto ang isang konsehal na pinaratangan ng katiwalian si QC Rep. Alfred Vargas kaugnay ng isang housing project para sa mga taga-Novaliches noong 2016.
Kinumpronta ni Sotto si Councilor Allan Francisco, na ginawa ang “rebelasyon” sa privilege hour ng konseho, kung naidulog na nito ang hinaing ng mga nagrereklamo sa taggapan ni Vargas.
Sinabi ni Francisco kay Sotto na hindi pa niya ito naipapaalam kay Vargas at tumanggi rin itong humarap sa kongresista dahil hindi naman aniya siya kasama sa nagrereklamo. Tumanggi rin itong pangalanan ang mga pamilyang inirereklamo ang opisyal.
Kaagad namang umalma si Councilor PM Vargas at inakusahan si Francisco ng pumumulitika. Ayon dito, noong 2015 pa nangyari ang proyekto at nasampahan na ng mga kaso ang mga taong sangkot umano sa katiwalian.
Hirit ni Councilor Vargas, kung nagtanong-tanong lamang si Francisco ay malalaman nito na matagal nang natugunan ang problema.
“Kung hindi pamumulitika ang pag-rehash ng isyu na ito ngayong malapit ang eleksyon at sa panahon pa ng kampanya, ano ang maitatawag dito? Let us stop garbage politics!” giit ni Councilor Vargas.
Hinamon naman ni Sotto si Francisco na samahan nito ang mga nagrereklamo sa tanggapan ng kongresista pero tumanggi ito.
“Bro, ikaw ang nilapitan ng ating mga kapatid na humahanap ng hustisya at saklolo, bakit hindi mo sila samahan?” aniya.
Umayaw si Francisco kaya sinabi ng vice mayor na ang opisina na lamang niya ang mamamagitan sa mga nagrereklamo at kay Rep. Vargas.
Muling tumanggi si Francisco na sumali sa planong paghaharap ng mga residente at ng kongresista dahil aniya ay hindi naman siya ang nagrereklamo.
“For purposes of efficiency and fairness, you should have addressed this to the office of Congressman Alfred Vargas himself before it is even addressed in the session of the City Council. Kaya ka siguro nasasabihan na namumulitika. Hindi ko papayagan na gamitin ang privilege hour at session ng City Council para sa mga isyung ganito,” ani Sotto.
Unang inanunsyo ni Francisco na tatakbo siyang kongresista ng 5th District ng QC pero umatras habang tumatakbo si Councilor Vargas para sa posisyon na babakantehin ni Rep. Vargas. Kaparehong posisyon naman ang tinatarget ni Sotto na karo at ka-tandem ni Mayor Joy Belmonte.