Sinabi ng Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) na hindi sapat ang P6,500 na fuel subsidy na ibinigay ng pamahalaan sa mga drivers at operators para maibsan ang epekto ng serye ng pagtataas ng presyo ng produktong petrolyo.
“’Yung P6,500 halos one week lang po na biyahe ng jeep. Aabot lang po s’ya ng halos walong araw kasi ang pinakamababang presyo ng krudo ng jeep ay umaabot ng P1,200 hanggang P1,300. Kaya halos hindi aabot ng buwan, hindi aabot ng dalawang linggo,” sinabi ni Piston president Modesto Floranda.
“Sabi nga natin sa unang tingin makakatulong pero sa kabuuan hindi rin kasi mawawalan sya ng silbi kung patuloy na tumataas,” dagdag pa niya.
Iginiit ng transport leader na dapat suspindihin ng gobyerno ang pagpapatupad ng excise tax sa mga presyo ng petrolyo at sinabing ang paggawa nito ay magkakaroon ng domino effect sa ekonomiya ng bansa.
“Yung kwentada nga po namin mula sa P363 per day ay sa loob ng isang buwan ay P8,400 yung direct na buwis na binigay sa government,” paliwanag niya.
“Sabi nga po namin binigyan kami ng P6,500, nagbigay naman kami ng P8,400 sa loob ng isang buwan, mas malaki ‘yung inilabas namin kaysa sa ibinigay sa’min na tulong’,” dagdag pa niya.
Nasa 150,000 PUV drivers ang nakatanggap na ng fuel voucher simula noong Marso 15, ayon sa LTFRB. Samantala, nakatakdang matanggap ng mga ride-hailing driver ang kanilang mga subsidy sa susunod na linggo.