TINATAYANG 69 porsyento sa mga Pinoy ang naniniwalang seryoso ang problema sa fake news sa media, ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Sa isinagawang survey ng SWS mula Disyembre 12 hanggang 16, tinanong ang mga respondent kung gaano kalala ang pagpapakalat ng fake news sa media kagaya ng telebisyon, radyo at diyaryo.
Kabilang sa mga sumagot ang 32% na very serious, 38% na somewhat serious, 21% ang undecided, 6% ang sumagot ng somewhat not serious, at 3% not serious at all.
Samantala, sa tanong kung gaano kaseryoso ang fake news sa Internet kagaya ng Facebook, Twitter, and YouTube, 32% ang sumagot ng very serious, 35% somewhat serious, 24% ang undecided, 5% ang somewhat not serious, at 3% not serious at all.
Base sa December 2021 survey, 51% ang nagsabi na nahihirapan silang malaman kung fake news o mali ang mga impormasyon mula sa telebisyon, radyo, o social media, samantalang 48% naman ang nagsabi na madali lamang.
Sinabi rin ng survey na 20% ang nagsabi na madalas silang nakakakita o nakababasa ng fake o maling impormasyon sa telebisyon, radyo o social media, 40% ang nagsabi na paminsan-minsan, 35% ang bihira at 4% ang hindi kailanman.