HUMIRIT si Senador Juan Miguel Zubiri na i-extend ang voter registration na nakatakdang magtapos sa September 30.
Naghain si Zubiri ng Senate Bill No. 2408 o Act Extending the Registration of Voters for the 2022 National and Local Elections, na humihiling na palawigin pa ang araw ng pagpaparhistro sa Commission on Elections kaugnay sa gagawing presidential elections sa susunod na taon.
Sa panukala, nais ni Zubiri na palawigin ang pagpaparehistro hanggang sa October 31 “to prevent the disenfranchisement of voters.”
Una nang sinabi ni Senate minority leader Franklin Drilon na may 12 milyon eligible voters ang inaasahang maging “ineligible” para makaboto sa susunod na taon dahil sa kabiguan makapagpatala dahil sa itinakdang schedule ng Comelec.
Nanindigan ang Comelec na wala na itong balak palawigin pa ang voter registration dahil naghahanda na ito para sa nalalapit na filing of candidacy na siyang hudyat na simula na ng election season.