SIMULA bukas, Nobyembre 6, may bayad na ang mga estudyante sa pagsakay sa LRT-2.
Ayon sa Light Rail Transit Authority, maaari namang mag-avail ang mga mag-aaral sa 20 percent discount kahit wala na silang libreng sakay.
“Simula ika- 6 ng Nobyembre ang mga estudyante ay maaaring mag-avail ulit ng 20% discount. Ipakita lamang ang school ID o proof of enrollment sa Passenger Assistance Office o Ticket booth,” ayon sa ahensya.
Kaugnay nito, inihayag ng LRTA na umabot sa mahigit 1.5 milyong estudyante ang nakinabang sa programa.
“Sa ngayon umabot na sa 1,527,219 ang nakinabang sa libreng sakay ng LRT-2 sa loob ng 58 na araw simula nang ipatupad ang programa,” ayon sa LRTA.
Matatandaang ipinatupad ang libreng-sakay noong Agosto 22 para makatulong sa mga estudyante na naapektuhan ang pag-aaral ng pandemya gayundin ng mga magulang sa gitna ng tumataas na presyo ng gasolina at pangunahing bilihin.