FALSE hope lang ang ibinibigay sa mga mamamayan na umaasang aaprubahan na ibaba ang edad ng senior citizen sa 56 mula sa kasalukuyang 60.
Ayon sa abogadong si Romulo Macalintal, hindi pinag-aralang mabuti ang panukalang batas na isinusulong ni Senador Bong Revilla.
“Naku masyadong mababa naman yan, palagay ko hindi masyadong pinag-aralan yan o kaya ill-advised ang nagpapanukala niyan dahil binibigyan lamang nila ng false hopes, yung maling pag-asa at maling pananaw ang mga kababayan nating 56 years old na umaasa na sila ay maaaprubahan,” sabi ni Macalintal.
Idinagdag ni Macalintal na marami nang panukalang batas para sa mga senior citizen ang inihain na hindi naman nagkatotoo.
“Ang dami-dami nang panukala hindi naman natutupad. Ilan lamang dito na tatanggap na ang 80 years old ng cash gift, may panukala pa na bibigyan ng P1 milyon ang mga centenarian,” dagdag ni Macalintal.
Aniya, kung ang dahilan ng panukala ay dahil 72 na lamang ang life expectancy ng mga Pinoy, ang dapat na asikasuhin ng pamahalaan ay kung paano bibigyan ang mga ito ng magandang nutrisyon.
“Ang sinasabi nila sa life expectancy na 72 lamang at para ma-enjoy na ang mga benepisyo. Dapat ang pagbutihin yung nutrition program para sa mga senior na tumatanda at hindi gumawa ng panukala na hindi naman maipatutupad kaagad. Doon ako nagdaradam, gumagawa ng panukala na pero hindi naman masyadong napag-aaralan kaya wala namang mangyayaari,” ayon pa kay Macalintal.