INIHAYAG ni Pangulong Duterte na sisiguraduhin niyang mabubulok sa bilangguan ang pulis na pumatay sa isang ginang sa Quezon City noong isang linggo.
Ayon kay Duterte, hindi niya ipagtatanggol ang alagad ng batas na pumapatay nang walang kinalaman sa pagganap sa tungkulin.
“They have to pay. Ang aking rule is if you are a military man, you are a policeman, you do your duty in accordance with law tapos nasabit ka, I will defend you,” aniya.
“Pero itong policeman na lasing ka, torpe ka tapos papatay ka pa ng tao. Kung nandiyan ako, papatayin kita. Wala kang silbi,” dagdag niya.
Pinatutungkulan ni Duterte si MSgt. Hensie Zinampan, ang pulis na pumatay kay
Lilybeth Valdez, 52, sa Sitio Ruby, Barangay Greater Fairview, Quezon City noong Mayo 31.
“‘Yan makulong talaga ‘yan. Makulong talaga ‘yan, sigurado. I will see to it na makulong,” giit niya. –WC