SINABI ni Social Welfare and Development Assistant Secretary at Spokesperson Romel Lopez na iniimbestigahan na ng kagawaran ang nangyaring insidente sa DSWD National Capital Region (NCR) sa Maynila matapos itong dumugin ng tao dahil umano sa namamahagi ng ayuda ang departamento.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Lopez na may naghakot pa na mga van at jeepney para sa mga pumila.
“Ang nangyari po diyan kanina ay isa pong malaking kalituhan sapagkat tayo po ay wala po tayong inanunsiyo, wala po tayong ginawang paghihikayat na ngayong araw po ay magkakaroon ng malawakang payout, o malawakang assessment. Nagulat na lang po tayo dahil kahapon ay medyo may mga dumarating na po tayong mga kababayan doon, at umaasa na makatanggap ng ating Sustainable Livelihood Program (SLP) natin,” sabi ni Lopez.
Idinagdag ni Lopez na ang SLP ay tulong para mabigyan ng hanapbuhay ang mga nangangailangang Pinoy.
“Pero wala po tayong payout, wala po tayong assessment po talaga na ibinibigay. So, sa ngayon po, iyong inyo pong DSWD ay tinitingnan po iyong pangyayaring ito sapagkat sa amin pong impormasyon ay may mga jeep-jeep pa daw po yata, or van na nagdala sa kanila diyan,” dagdag ni Lopez.
“Well, sa totoo lang po, ayaw lang po namin magbigay ng malisya o anuman pero hindi po namin alam, at hindi po namin talaga gusto na ganito iyong maging outcome na may mga kababayan tayong dudumog diyan,” ayon pa kay Lopez.