ILALABAS ni Pangulong Duterte ang desisyon ukol sa four-day workweek sa Lunes, ayon kay acting spokesman at Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar.
Nagpahiwatig naman si Andanar na posibleng paboran ng pangulo ang mungkahi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na magpatupad ng compressed 4-day workweek.
Isa ang pagbawas sa bilang ng mga araw ng trabaho ang nakitang hakbang ng National Economic and Development Authority (NEDA) upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sa ilalim ng panukala, ang karaniwang limang araw na eight-hour work kada linggo ay iko-compressed sa apat na araw. Ibig sabihin, kada araw kailangan magtrabaho ng 10 oras ang manggagawa.
Ang hakbang ay makakatulong din sa pagputol ng power generation, sinabi ni NEDA Secretary Karl Kendrick Chua.
Noong Biyernes, tinanggap ng Malacañang ang resulta ng January Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority na nagpapakita na ang bilang ng mga walang trabaho ay bumaba sa 2.93 milyon, mas mababa ng 1.04 milyon kaysa sa bilang noong nakaraang taon.