INIHAYAG ni Metropolitan Manila Development (MMDA) Chairman Benhur Abalos na tatanggalin na ang curfew sa National Capital Region (NCR) simula Nobyembre 4, 2021.
Sa kanyang ulat sa Talk to the People, idinagdag ni Abalos na ito’y inaprubahan ng mga mayor sa Metro Manila matapos pumayag ang mga may-ari ng mall na magbukas simula alas-11 ng umaga para maibsan ang trapik sa Kalakhang Maynila.
“Nakasaad sa resolusyon na starting November 4 ang curfew sa Metro Manila ay tatanggalin na po to give way to these malls. It will start November 4 pero nakalagay subject to existing ordinances,” sabi ni Abalos.
Idinagdag ni Abalos na sakop pa rin ng curfew ang mga menor de edad.
Aniya, pumayag din ang mga mall na wag magsagawa ng sale sa mga week days.