ITITIGIL ang operasyon ng community pantry sa Baclaran Church tuwing Miyerkules at Linggo para maiwasang sumabay sa dagsa ng mga nagsisimba.
Ayon kay Fr. Victorino Cueto, pinakiusapan sila ng lokal na Inter-Agency Task Force na iwasan ang pagbukas sa mga nasabing araw upang hindi magkumpulan ang mga tao na maaari pang maging sanhi ng hawahan ng Covid-19.
Sinabi ni Cueto na sisimulan ang tigil-operasyon ngayon, ang araw ng nobena para sa Mother of Perpetual Help.
Tuloy naman ang operasyon nito tuwing Martes, Biyernes at Sabado.
Samantala, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority chairman Benhur Abalos na napagkasunduan ng mga alkalde sa Metro Manila na magkaroon ng guidelines para sa community pantries upang maiwasan ang hawahan.
“We really like to thank organizers of these pantries who really have big hearts and the Bayanihan spirit. It’s just that there might be super spreader events. Sayang ‘yung gains,” aniya sa panayam ng ANC.
“Magbibigay kayo pero nandito kami to make sure na tama ang pila, ligtas. They should really inform the city,” dagdag niya.