NASA kostudiya na ng Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City ang si Cedric Lee, ang negosyante nahatulang makulong ng habambuhay kasama ng modelong si Deniece Cornejo at dalawang iba pa kaugnay sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng TV host-actor na si Vhong Navarro.
Alas-8 na ng gabi nang tumulak patungong BuCor ang convoy ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil hinintay pang bumaba ang blood pressure ni Lee na unang nakaranas ng hypertension nang sumurender ito Biyernes ng umaga.
Pasado alas-9 ng gabi naman ng makarating sa BuCor compound si Lee.
Ani Lee, hindi siya nangangamba na makulong at sinabing gagamitin niya ang oras sa loob ng kulungan para magpahinga.
“Pinagdaanan ko na ito e… Pahinga muna, recharge,” pahayag niya.
Bago ito, iginiit ng negosyante na hindi na dapat umabot sa habambuhay na kulong ang pangyayari dahil “bugbugan lang” ang naganap.
“Nagkasakitan lang nang konti. Slight injuries. May nasaktan din naman sa amin noong lumaban siya. Hindi naman dapat magkaroon ng life imprisonment para sa bugbugan lang,” sabi niya.