NAGBABALA ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng makaranas ng power interruption sa Luzon matapos magpalabas ng yellow at red alert status sa Luzon grid.
Sa isang abiso, sinabi ng NGCP na nakataas ang yellow alert mula alas-9 ng umaga hanggang ala-1 ng hapon at alas-4 hanggang alas-9 ng gabi.
Idinagdag ng NGCP na ipatutupad ang red alert simula ala-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon ngayong Lunes.
Ayon sa NGCP, aabot lamang ang kapasidad ng mga power plant sa 10,727 megawatts (MW), samantalang aabot sa 10,585MW ang kinakailangang demand sa Luzon.
“Seven power plants are on forced outage, while three others are running on derated capacities, for a total of 3,627MW lost from the grid,” sabi ng NGCP.