TUTULUYAN ng BF Federation of Homeowners Associations Inc. ang anak ni House Deputy Speaker at Negros Oriental Rep. Arnolfo Teves Jr. at kanyang mga kasamahan matapos bugbugin ang isang guwardya kamakailan.
Ito ang sinabi ng abogadong si Delfin Supano Jr., chairman ng BFFHAI legal committee hinggil sa insidente na kinasasangkutan ng anak ni Teves na si Kurt Mathew at ng guwardiyang si Jomar Pajares noong isang linggo.
Minamadali na umano nila ang pagsasampa ng reklamo laban sa batang Teves at kanyang mga kasama base sa salaysay ng biktima.
“Based on the testimony of the guard, tinadyakan, sinuntok at tinutukan siya ng baril. ‘Yung pagtutok ng baril, at least grave threat na ‘yun,” paliwanag ni Supano.
Matatandaan sa post kamakailan, ikinuwento ng kasamahan ng biktima na hinarang ng huli ang sasakyan ng suspek sa gate ng BF Homes dahil wala umano itong homeowner sticker.
Nagalit umano ang anak ng kongresista at dinibdiban ang sekyu.
Hindi pa nakuntento ay pinaluhod pa nito ang biktima bago tinadyakan.
Kasama noon ng suspek ang kanyang driver at bodyguard.
Humingi naman ng tulong sa otoridad ang uploader ng video para mabigyan ng hustisya ang sinapit ng kanyang kabaro.
Ayon kay Sugapo, ipinatutupad lamang ni Pajares ang regulasyon sa loob ng subdivision.
Bagamat may bahay sa loob ng BF homes ang kongresista, hindi naman nakarehistro bilang residente rito ang nakababatang Teves, ayon pa sa abogado.
“Nagbigay siya ng ID niya, tapos tiningnan ng guwardiya, nakalagay doon Negros so walang proof of residency,” dagdag pa nito.
Naniniwala naman si Teves na may kinalaman sa politika ang insidente.
“I don’t know why they are trying to hype it up in the media. I think it is politically motivated. If it’s really my son then file charges,” ayon sa deputy speaker.