SUGATAN ang pito katao sa sunog na tumupok sa ilang bahay sa Novaliches, Quezon City Lunes ng umaga.
Ayon sa ulat, nagsimula ang apoy bago mag-alas-4 sa isang patahian sa Commissioner st. sa likod ng Novaliches General Hospital sa Brgy. Gulod.
Sinabi ni Malou Pascual, may-ari ng bahay, nagising sila nang makitang nasusunog ang harapang bahagi ng kanilang bahay kung saan matatagpuan ang patahian.
“Ang pamangkin ko siya unang nagising, wala pang alas kwatro ‘yun. Nakita niya malaki na ang apoy pero walang sumabog.
Kaya lang naamoy lang niya na amoy sunog pero malaki na ang apoy, sa pinto mismo,” ani Pascual sa isang panayam.
Nagtamo ng paso sa sugat at katawan si Pascual at anim pang kaanak nang lumabas sila mula sa nasusunog na bahay.
Nasugatan din ang isa sa mga rumespondeng fire volunteers. Naapula ang apoy alas-6:29.
Hindi pa madetermina ng Bureau of Fire Protection ang pinagmulan ng sunog at halaga ng mga natupok na ari-arian.