5 todas sa sunog sa Navotas

LIMA ang nasawi sa sunog na tumupok sa maraming kabahayan sa Navotas City nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga nasawi ang 40-anyos na ginang at ang dalawang-taong-gulang niyang anak.

Aabot naman sa 280 pamilyang residente ng Brgy. Bagumbayan North ang nawalan ng tahanan dahil sa insidente.

Napag-alaman na nagsimula ang sunog alas-9:22 dahil sa pumutok na linya ng kuryente.

Agad kumalat ang apoy dahil pawang gawa sa light materials ang mga bahay sa lugar.

Nahirapan ding makapasok ang mga pamatay-sunog dahil makikipot ang daanan.
Inabot ng limang oras bago naapula ang apoy.

Dahil sa laki ng sunog, kumalat ito sa katabing barangay na Navotas West.