PERSONAL na pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pamamahagi ng special gift boxes para sa mga senior citizens sa lungsod ngayong Miyerkules, Disyembre 13.
Ito’y matapos na pormal nang magtapos ang distribusyon ng Christmas food boxes para sa may 695,000 pamilya sa lungsod ng Maynila nitong Lunes.
Ayon kay Lacuna, target nilang maipamahagi sa lahat ng senior citizen ang kanilang Christmas gifts hanggang sa Disyembre 15, 2023.
Mayroong 180,000 senior citizens ang lungsod ng Maynila.
Samantala, nabatid mula sa tanggapan ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) sa pamumuno ni chief Elinor Jacinto, na ang payout para sa senior citizen benefits ay nagsimula na rin noong Lunes sa Districts 1 at 2.
Ang city-wide distribution ng gift at completion ng allowance payouts ay bahagi ng programang “May Kalinga, May Ginhawa, May Saya” Christmas celebration sa Maynila. (Jerry S. Tan)