IBINASURA ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong rape with homicide na isinampa laban sa 11 suspek na iniuugnay sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera noong Enero.
Walang nakikitang probable cause of tanggapan ni Makati City Prosecutor Joan Bolina-Santillan para ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek na sinasabing mga pawang kaibigan din ng namatay.
Matatandaan na natagpuang walang malay ang biktima sa bath tub ng City Garden Hotel umaga ng Enero 1. Dinala siya ng mga kaibigan nito sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.
Disyembre 31 nang mag-book ang mga suspek kasama si Dacera sa nasabing hotel para doon magdiwang ng Bagong Taon.
Sa medico-legal na inilabas ng Philippine National Police, sinasabing namatay si Dacera dahil sa ruptured aortic aneurysm. Iginiit naman ng magulang ng dalaga na ginawan ng masama ang kanyang anak.