TUTOL ang mga doktor sa panukala na ibalik na ang 100 porsiyentong kapasidad sa mga pampublikong transportasyon.
Sa isang panayam sa DZMM, nagbabala si Philippine College of Physicians (PCP) president Dr. Maricar Limpin na posibleng tumaas muli ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa sakaling payagan ito.
“Medyo nakakapangamba po yun, yung mabilisan na gagawing 100 percent. Although, naiintindihan ho naming ang kanilang mungkahi dahil sa bumababa nga po ang ating COVID-19 cases pero isipin ho natin na ang 3,000 kaso bawat araw, e ibig sabihin ho nito naroon pa rin yung virus at kung titingnan natin ang global trend, sa oras na ito ay umakyat, yung global trend, sumusunod po tayo, so napapansin medyo on the rise,” sabi ni Limpin.
Nauna nang sinabi ng Department of Transportation (DoTr) na irerekomenda nito sa Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik na sa dating kapasidad ang mga PUVs sa harap naman ng mga panawagan ng mga transport groups.
“Siguro mag-isip-isip muna tayo at hindi naman masama na palawigin pa natin ang current measures na ginawa natin interventions at para ho sa Pasko mas masaya ho tayo,” dagdag pa ni Limpin.